Teodora AlonsoSi Teodora Morales Alonzo Realonda de Rizal y Quintos ay ipinanganak noong Nobyembre 9 1827, na siyang ina ni Gat. Jose Rizal. Kilala siya bilang isang madisiplinang ina at mapagmahal. Siya ang naging guro ni Pepe noong ito ay bata pa at siya ang naging inspirasyon ni Gat. Jose Rizal sa pag-aaral. Noong nanlabo ang kanyang mga mata, piniling mag-aral ni Rizal ng Opthalmology upang siya'y maoperahan.
Nabilanggo siya ng dalawa't kalahating taon sapagkat siya'y napagbintangan ng mga Espanyol na nilason niya ang asawa ng kanyang kapatid. Nakalaya siya pagkatapos siyang ipagtanggol ng dalawang sikat na abogado. Nang nagkagulo sa Calamba at lumipat ang buong pamilya sa Maynila, nabuksan ang maka-rebolusyonaryong paningin ni Rizal. Namatay si Teodora noong Agosto 16 1911 sa Calle San Fernando, Binondo, Maynila, dahil sa kaniyang kahinaan. |
Saturnina RizalSi Saturnina ang panganay sa labing-isang magkakapatid. Siya ay ipinanganak noong 1850 at may palayaw na Neneng. Tinulungan nila kanyang ina si Rizal upang makapag-aral. Si Neneng ang tumayong pangalawang ina ni Rizal noong nakulong ang kanilang ina. Napangasawa niya si Manuel Timoteo Hidalgo ng Batangas at sila ay may limang anak.
|
Narcisa RizalSi Narcisa Rizal ay ipinanganak noong taong 1852 at may palayaw na Sisa. Siya ay pangatlo sa kanilang magkakapatid at tulad ni Saturnina, tumulong si Sisa sa pag-aaral ni Rizal sa Europa. Isinangla niya ang kanyang mga alahas at ibinenta niya ang kanyang mga damit para lang matustusan ang pag-aaral ni Rizal. Naisaulo niya halos lahat ng tula na naisulat ni Rizal. Nang ang kanilang mga magulang na sina Don Francisco at Doña Teodora ay itinaboy sa kanilang tahanan, si Sisa ang kumupkop sa kanila. Kahit na ang kasintahan ni Jose Rizal na si Josephine Bracken ay pinatira niya sa kanyang tahanan noong pinaghinalaan ito ng pamilya Rizal na isang espiya ng mga paring Espanyol. Nagpadala ng liham ng pasasalamat si Rizal sa kapatid para sa pagpapatuloy kay Bracken sa kanyang tahanan.
Si Sisa ay ikinasal kay Antonino Lopez, isang guro at musikero mula sa Morong, Rizal, at nabiyayaan ng walong anak. Dahil sa pinatira nila ang kanyang mga magulang sa kanilang tahanan, sila ang pinuntirya ng mga Espanyol. Tinakot si Sisa na ibabalik sa pagkakakulong ang kanyang ina at sinira ang kanilang tahanan. Bukod pa rito ay kinuha ng sapilitan ang kanilang mga ari-arian. Namatay si Sisa noong 1939. |
Lucia RizalSi Lucia Rizal ay ipinanganak noong 1857 at panglima sa magkakapatid. Siya ay kasal kay Mariano Herbosa ng Calamba, Laguna. Siya ay pinagbintangan na nagsulsol sa kanyang mga kababayan na huwag magbayad ng upa sa kanilang mga lupa na nagdulot ng kaguluhan, Silang mag-asawa ay minsan nang nagatulan na itapon sa ibang bansa kasama ang ibang miyembro ng pamilya Rizal.
Ang kanyang asawang si Mariano ay namatay sa sakit na cholera noong Mayo, 1889. Hindi siya binigyan ng isang burol Katoliko sa dahilang hindi siya nangumpisal mula nang ikasal kay Lucia. Sa artikulo na isinulat ni Jose Rizal na La Solidaridad Una Profanacion ay binatikos niya ang mga pari na tumangging ilibing sa maayos na libingan ang isang mabuting Kristiyano sa kadahilanang siya ay bayaw ni Rizal. Noong Disyembre 1891, si Lucia ay isa sa mga dumalo sa pulong ng pamilya sa Hong Kong. Sinamahan niya si Rizal pabalik ng Maynila noong Hunyo 1892. Mula ika-6 hanggang ika-15 ng Hulyo 1892, si Jose Rizal ay ikinulong sa Fort Santiago at ipinatapon sa Dapitan pagkatapos sa tahi-tahing kasinungalingan na may mga babasahin laban sa mga pari na nakuha sa mga bagahe ni Lucia noong nagbiyahe siya sakay ng barkong Don Juan. Ang mga anak nila Lucia at Mariano ay sina Delfina, Concepcion, Patrocinio, Estanislao, Paz, Victoria, at Jose. |
Trinidad RizalSi Trinidad Rizal ay pang-sampu sa magkakapatid. Siya ay ipinanganak noong 1868 at namatay noong 1951. Ang palayaw niya ay Trining at siyang tagapagtago at tagapamahala na pinakahuli at pinakatanyag na tula ni Rizal.
Noong Marso 1886 ay sumulat si Rizal kay Trining at isinasalaysay niya na ang mga babae sa Alemanya ay masisipag mag-aral kaya't pinayuhan niya si Trining na habang bata pa ito ay dapat magbasa nang magbasa ng buong puso. Makaraan ang apat na taon ay nagulat na lamang si Rizal nang makatanggap siya ng liham mula kay Trining. Ipinaalam nito na nakapagtapos ito ng Kolehiyo. Noong Agosto 1893, si Trinidad at ang kanilang ina ay namuhay kasama si Rizal sa “casa cuadrada” o “square house” (bahay kuwadrado). Naitala na minsan ay pinag-isipan o pinagplanuhan ni Trining na patakasin si Rizal sa pagkakakulong. Noong Enero 1896 ay inanyayahan ni Rizal si Trining na bumalik sa Dapitan. Ang suliranin ni Rizal ay kung sino ang mapapangasawa ni Trinidad sa Dapitan, dahil ang pook na iyon ay halos parang walang tao at walang kabuhay-buhay. Bago namatay si Rizal ay dinalaw siya ni Trining at ng kanilang ina sa kanyang piitan sa Fort Santiago. Nang sila’y paalis na ay inabot ni Jose Rizal ang isang lampara, isang regalo mula sa mga Pardo de Tavera at ibinulong sa kanya sa wikang hindi naunawaan ng mga kawal na nakabantay sa kanya na ang lampara ay mayroong bagay na nakatago doon at iyon ay ang kanyang huling tulang isinulat. Noong taong 1883, si Trinidad ay naratay sa banig ng karamdaman, limang buwan mula Abril hanggan Agosto. Pabalik-balik ang kanyang lagnat at dinapuan pala siya ng sakit na malaria. Siya ang pinakahuling namatay sa pamilya Rizal. |
Kristel Donna Mae Arias